Napagsabihan ko na po ang mga nagsipag-post ng mga mensahe na partikular sa pagkumpleto sa kanilang "course requirements" sa Literatures of the Philippines -- at inulit sa mga estudyante na dapat ay ini-email o itini-text na lamang sa akin ang ganitong mga usapin nang sa ganon ay matugunan ko nang personal....
Humihingi po talaga ako ng paumanhin sa nangyaring ito....
Sadya po'ng pinaggawa ko ng kani-kanilang blog ang mga estudyante ko sa Literary Appreciation course na ito sa FilipinoWriter.com para sa sumusunod na dahilan:
1. Para maranasan nang personal (at ma-appreciate nang aktwal) ang panitikang Filipino -- na buhay na buhay sa labas ng teksbuk, ng klasrum, at ng paaralan -- sa pamamagitan ng aktwal na pakikilahok sa paglikha nito (pagsulat at paglalathala ng orihinal na akda nila sa kanilang blog) at pagtangkilik (pagpili ng kanilang mga paboritong akda at muling pagbabahagi nito sa iba KASAMA ang kwento ng kanilang dahilan kung bakit nila ito nagustuhan o naibigan) dito;
2. Para makasalamuha nila ang mga manunulat na gaya nila ay mula sa iba't ibang antas ng buhay at may iba't ibang pinagkakaabalahan ngunit pinag-isa/binuklod ng pagsusulat -- at gayo'y mailapit ang Panitikan habang naipaglalapit din ang mga manunulat na madalas ay di na nakikilala o nakakasalamuha; at,
3. Para sa pagtupad sa dalawang layuning nabanggit ay makapag-ambag sa pagpapaunlad, pagpapayaman, at pagpapalakas ng Panitikang Filipino -- sa pagpu-promote ng pagsulat, pagbasa, at paglalathala sa/ng karaniwang Filipino na manunulat at mambabasa rin di lang sa klasrum o sa buong Pilipinas kundi sa buong mundo na rin....
Sadya po'ng di ko sila kinulong sa isang ekslusibong teaching/class group para maranasan ang Panitikan kasama ang isang komunidad ng manunulat/mambabasa/kritiko na kapwa magsisilbing guro, kaibigan, at gabay ng mga walang muwang sa -- o ngayon pa lang daranas ng -- ganitong gawain....
(Kaya't lagi kong binibida kung gaano kagaling at ka-intelihente ang kanilang makakasalamuha sa community na ito -- kung saan higit pa sa pakikinig sa akin ang kanilang matututunan kahit sa isang napaka-kaswal na comment o reply lamang....)
Pasensiya na po talaga, gagawan po namin ito ng paraan pagbalik na pagbalik namin sa klase....
Salamat po sa pasensya at pag-unawa at suporta....