Monday, March 29, 2010

Sa San Ildefonso Parish Church

Paggising, walang almusal-almusal, walang hila-
hilamos, nagbihis at nagyayang dumaan sa simbahan.

Naalala ko ang text ni Jong, isipin mo lang at sa iyo
na iyon; ipagpasalamat mo kahit di ba dumarating;

marami ang hinihiling pa lamang ay naririyan na
sa iyong tabi. At kinalimutan muna na ang lahat

ay nakabinbin: Ang iskolarsyip, ang grado sa kursong
masterado, ang faynals ng mga bata, ang sasahuring

parating ba lamang matapos ang Semana Santa--
paalaala na kaytagal na hindi nabisita sa dahilang

wala nang pera: walang maihuhulog sa koleksyon,
walang maipamamasahe para makapagsama ng iba,

walang maipangkakain sa labas kahit minsan isang
linggo lamang, walang maipamamalengkeng pasalubong

sa tintutuluyang kwarto, walang natitirang panahon
o lakas matapos ang tatlong araw ng pagbasa't aral

tungkol sa tula at nobela, matapos pigain ang isip
para makasulat ng papel na maihaharap sa klase,

matapos ang dalawang araw ng pagbabahagi ng sarili
sa mga mag-aaral na di pa batid ang halaga ng sinasabi

tungkol sa halaga ng sining sa buhay at sa araw-araw,
sa mga pagipagitan ng pagsasaliksik at pagpapahinga

para muling makaya ng katawan at ng isipan na bumangon
at ngumiti: Ngayon ay isang pagkakataon ng pasasalamat

at pagbubunyi: At di ako nabigo: Sa bendisyon ng palaspas
ay nagsimula ang palabas ng Children's Ministry--

bagamat may aberya sa mikropono, ika nga ni Father,
"may system, walang sound"--isang pagsasadula ng Banal

na Kuwento sa kalye, sa harapan ng paaralan ng Pio
del Pilar, nabasa ang pagal at tuyot na katawan at ang mukhang

nagmamantika pa sa init ng araw, at nagprusisyon pabalik
ng simbahan ang lahat para sa salusalo at piging ng mabunying

salita at ritwal ng pagsasamasama: Naging teatro ang simbahan,
nakapaninindigbalahibo ang musika--nakapangangalisag

ang nirekord na mga tinig ng mga tauhan ng dula--napakakulay
ng mga kasuotan at kagamitan ng mga batang biglang

tumanda, nagkaroon ng poot ang inosenteng mga mukha,
nagkaroon ng lupit ang mga bisig, nagibang-anyo sa iba't ibang

panig ng simabahan hanggang sa lumantad ang Kristo
na nakabayubay sa kurus sa altar: Pero ika ni Father, "Hindi

ito panahon para kaawaan si Kristo sa kanyang sinapit--
bagkus, para ipaalaala na sinapit Niya ito para sa atin!"

Biglang lumuwag ang dibdib sa mga salitang narinig:
bumunot ng bente, kahit nakalaan na sa binubuong utang

na dapat bayaran, bumunot pa para sa gulay na sasahugan
ng tuyo na pinautang din nang walang pagdududa ng isang

kaibigan para maitawid ang mga araw at may magawang
kapakipakinabang, at maaliwalas ang mukha kampante

habang naglalakad pabalik sa inuupahang silid ng kapatid
na paulitulit nang nagtatanong kung kailan sasahod

at makapag-aabot nang walang takot, walang bigat, walang
pangamba: tiwala na ang araw na ito ay walang sakit

o pagkasunog na dala at bagkus isang bagong umaga!

28 Marso 2010, Linggo
Makati City

No comments:

Post a Comment